Biyernes, Setyembre 9, 2016

GREGORIA DE JESUS

Katangian (Kahinaan at Kalakasan)
Bilang babae at asawa ng Supremo na si Andres Bonifacio, naging tagapagtago siya ng mga lihim na dokumento ng Katipunan. Matapang niyang hinarap ang kanyang kapalaran na maging asawa ng isang rebolusyonaryo, patunay nito ang ginawa niya noong nababalita na mag-iimbestiga ang mga Espanyol, nilikom niya ang mga dokumento at mga  armas at agad siyang umalis lulan ng isang sasakyan na siya mismo ang nagpaandar. Niligaw niya ang mga kaaway ng siya ay magpaikot-ikot sa mga tabi ng ilug-ilugan ng Tondo. Sa mabilis na paggalaw ni Oriang, nakakaiwas ang mga Katipunero sa bingit ng kamatayan laban sa mga Espanyol. Natuto siyang sumakay ng kabayo at bumaril na bilang panlaban sa mga kaaway na noong mga panahon na iyon ay bihira lamang ang makagawa nito sa isang babae. Naranasan niyang maiwan sa mga mapapanganib na mga lugar bilang isang gerera.

Mga Isyung Kinaharap
Sa edad na 18, umibig si Gregoria sa Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio. Ngunit tinutulan ito ng ama ni Gregoria na si Nicolas de Jesus dahil si Bonifacio ay isang mason na tumututol sa mga turo ng simbahan. Kalaunan, pinahintulutan rin ito ng kanyang ama at nagpakasal sila sa simbahan ng Binondo. Sapagkat siya ang lumilikom ng mga lihim na sulat at mga importanteng dokumento ng Katipunan, tungkulin niyang itago ito sa mga kaaway upang hindi malaman kung ano ang kanilang plano.

Mga Tagumpay
Nabantayan niyang maayos ang mga dokumento at matapang niyang hinarap ang mga kaaway. Hindi naging hadlang ang pagiging babae at ina niya sa pagtatanggol sa ikabubuti ng kalagayan ng bansa. Kahit hindi siya pinapatuloy ng kaniyang mga kaibigan sa kanilang tahanan, naging matatag siya at hinarap ang hamon ng mga Espanyol ng buong katapangan.

Uri ng Pamumuno
Nanguna siya sa pakikipaglaban at pagtatago sa mga mapapanganib na lugar upang maprotektahan ang mga inosenteng Pilipino at maipagtanggol sa mga umaaping mga dayuhan na pilit sumasakop sa ating bansa. Nasa panganib man ang kanyang buhay, pilit niyang ginagampanan ang kaniyang tungkulin upang maging mukha ng katapangan at mapatunayang hindi lamang ang mga kalalakihan ang may ipinaglalaban para sa kalayaan ng bansa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento